Monday, 1 July 2013

FIRST DAY FEVER



By ARTEM ANDAYA
Councilor
Mambulao Local Government Unit



FIRST DAY namin ngayon bilang bagong opisyales ng 17th Administration of Jose Panganiban...

Tulad ng grade 1 pupils, iba-iba ang damdamin namin sa unang araw ... may ilang excited, may naiinip, may nabibilisan sa pangyayari, may hindi pa rin makapaniwala na magsisimula na, at baka (baka) may hindi nakatulog kagabi (sana hindi ako un ha ha ha) … Basta ako nagpagupit na ng buhok kasi baka makita ni Mr. Egay Magana na mahaba na ang buhok ko ay "arutan ako" he he he. Maagap ako nga pasok ngayon, AABANGAN KO KUNG SINO SA MGA "KAKLASE" KO ANG MAPAHATID PA SA MAGULANG O KAPATID He he he...

Ang aming mga "NANAY, TATAY AT KUYA" sa pamahalaang bayan (lalo't higit sa mga staff ng Mayor's office at Sangguniang Bayan) ay abalang-abala na rin sa aming pagpasok sa unang araw...  Noong Sabado at Linggo nag-"BRIGADA" na sila... Inayos ang session hall, mga opisina, ilang gagamitin at ang okasyon ngayong araw...  SALAMAT PO SA MGA NAG-VOLUNTEER... Alam naming rest days nyo ang Sabado at Linggo pero pinaghandaan nyo ang big day na ito...

At tulad pa rin ng grade 1 pupils, lahat kami ay papasok sa "Unang Araw ng Eskuwela" na dadalo sa "Flag Raising Ceremony"...  manunumpa... makikinig sa "announcement" ng aming "principal" na si Mayor Dong Padilla... at dadalo sa aming "klase"... .

Hiling lamang po sana namin, minamahal nating mga kababayan, na sa aming UNANG ARAW at sa mga araw pang darating ay pabaunan nyo kami ng mga sumusunod:

1 MALINIS AT BAKANTENG PAPEL, na siyang magpapaalala sa amin ng isang "hungkag na espasyo" na naghihintay ng bawat "titik" ng programa at panukala, ng mga resolusyon at ordinansa...

1 LAPIS, na siyang magpapaalala sa amin na ang bawat "linya, letra at numero" na aming isusulat ay daraan sa mapanuring mata ng aming "Gurong Taumbayan" at sasalamin sa aming pagkatao bilang "Lingkod Bayan"...

1 ERASER, na siyang magpapaalala sa amin na kung sakaling ang aming sinulat ay hindi nagustuhan ni "Gurong Taumbayan" ay may nakahandang namang pambura o pamahi...  na maaaring magbago... na maaaring magsimula muli kung sakaling magkakamali...

1 SHARPENER, na siya magpapaalala sa amin na kung sakaling kami ay "napupudpod, lumalabo at hindi na epektibong panulat" ay maaaring kaming "TASAHAN" upang muling maging "matulis, malinaw at epektibo"...

1 BAG OF REMINDER... upang aming maalala na ang mga papel, lapis, eraser at sharpener na ipinababaon ng TAUMBAYAN ay limitado lamang...  

... Na hindi pwedeng matapos ang aming klase/ termino ay bakante pa rin ang PAPEL, at lalong hindi rin pwedeng "dumi o basura" lamang ang aming isinulat sa papel na ito...

... Na anumang oras, ang LAPIS ay maaaring mabali o maputol, depende sa lakas ng aming paghawak at paggamit dito... . Na ang panulat nito ay NAUUBOS kung kaya't ang dapat na sinusulat lamang ay TAMANG LINYA, LETRA AT NUMERO...

... Na ang ERASER, ay napupudpod at nauubos rin...  kung kaya't pag-isipang mabuti ang mga desisyong isusulat upang hindi dumating ang pagkakataon na "HINDI NA KAYANG BURAHIN ANG NAGAWANG PAGKAKAMALI"...

... Na ang pinakamabisang PANTASA ay ang desisyon at opinyon ng TAUMBAYAN... na dapat sila ang palaging pinakikinggan at hindi ang sariling kagustuhan lamang...

SANA, SA PAGTATAPOS NG AMING KLASE/ TERMINO kung kailan aming ipakikita sa aming "PAMILYANG TAUMBAYAN" ang aming ginawa, aming dalangin na MAKAPASA SANA SA KANILANG PAGSUSURI ang aming ginawa...

Salamat po aking mga kababayan sa inyong pabaong papel, lapis, eraser, sharpener at bag of reminders...


No comments:

Post a Comment