Thursday, 11 July 2013

Munting Tula No VI




Paraisong Mambulao ... ang bayan kong kinagisnan


By ALFREDO P HERNANDEZ

I
NOON ... sa bayan kong kinagisnan -- ang paraisong Mambulao, kapatid ng bundok, kakambal ng dagat,
Ang isda rito'y masigla, malago ang bakawan, madilim ang gubat;
Ang bukirin dito'y malusog, sa ginto ay sagana at ang bakal ay kay tigas,
Dito'y may isang ilog na kung minsa'y nanghahatak kapag ikaw ay nasilat!

II
Ang dagat naming kulay-verde ay maamo sa bugitis, malambing sa isdang masipag na manganak,
Ang hangin dito'y may tulak at laging naghihintay ng bangkang maglalayag;
Sa dulo ng baybayin ay naghahabulan at nagsisigawan ang mga batang walang saplot;
Samantala, sa munting bahay-pawid ay may isang matandang naminingwit ng antok.

III
Sa bukid na nililinang, malawak ang palayang namimintog ang butil,
Ang batis dito'y malinaw, may awit ang pag-agos na para bang nang-aaliw;
Sa mga luntiang puno, malaya ang ibon sa kanilang pag-awit at pag-igkas sa sanga,
Sa silong ng bahay-pawid, ang inahin sa pugad ay naghihintay ng sisiw -- at ang dasal ay mapisa.

IV
Sa paghatak ng lambat na ngayo'y nililindol ng mga galunggong at makinang na sapsap,
Kanya nang nakikita ang nakabiting ngiti ng asawa't bunso sa nakahapay na dampa;
Pagsabog ng araw, ang masaganang huli ay biglang sasambulat na malaking balita,
Sa pamilihang bayan, magdiriwang ang lahat -- ang mga tindera at mga mag-iisda.

V
Kahit noon pa man, ang trahedya ng ginto ay malungkot na awit at madilim na alamat,
Di dapat ipagtaka kung ang mga gahamanng naghahanap ng yaman ay dito napadpad;
Ang kwento'y nagsimula sa isang munting hukay at sa isang gintong butil na nagpatulo ng laway,
Hanggang lumawak pa at patuloy na lumalim ang balong lumamon sa maraming buhay!

VI
Ngayon ... ang bayan kong kinagisnan ay munting paraisong biglang inagawan ng makatas na mansanas!
Ang mga tampalasan ay hindi mapalayas, at lalo pang dumarami habang nakangisi ang bantay na ahas!
Dito sa bayan ko ang maraming bulsa ay kumakalansing sa gintong pinagb'wisan ng nawasak na paligid,
Sa lupa kong kinagisnan ... ang dagat ay nagpuputik ... ang bukid ay natutuyot ... ang bundok ay natitibag … ang isip ay nagluluksa!

Sa bayan kong aping-api, meron pa bang magagawa? Sa puso ko’y may munting tinig: Parang wala na nga ... parang wala na nga ...!


Port Moresby,
Papua New Guinea
July 12, 2013













1 comment: