Saturday 6 July 2013

Munting Tula No. IV




Hukay dito hukay doon
(Buhay-Kabudero)

Kutkot dito kutkot doon
Hukay dito hukay doon,
Sige ... hukay pa;
Dahil wala dito
Ang gintong hanap mo
Mas maige yatang
Lumipat ng pwesto.

Bungkal dito bungkal doon
Habang lupa ang harap mo;
Sige bungkal pa.
Kung wala man dito
Ang isang "bahai" mo
Mas maganda yatang
Magbutas sa dulo.

'Wag mong intindihin
Ang tiwangwang na hukay
Walang sinabi 'yan sa kikitain mo,
Pagdating ng hapon
Sa hawak na ginto
Malilimutan mo
Ang utang at kalyo!

At kung malawak na
Ang iyong nahukay
At wala pa ring ginto
Sa iyong harapan
Maige pa kayang
Lumipat ng pwesto
Marami pang linang
Ang pwedeng sirain mo!

Andiyan ang Luklukan,
Sa Sur at sa Norte,
Sa may Nakalaya
Ang ginto dyan'y pwerte!
O di kaya naman
Sa Sta Elena, pwede
Ring hukayin
Ang dalawang Sta Rosa
Sikat na rin ngayon
Ang Sta Milagrosa.

Kutkot dito kutkot doon
Hukay dito hukay doon,
Bungkal dito bungkal doon
Habang may bukid sa mata mo
'Wag mong intindihin
Ang Meyor mong si Dong
Okay ka lang Manoy
Basta si Governong!

-Alfredo P Hoernandez
Port Moresby
Papua New Guinea
July 6, 3013

No comments:

Post a Comment