Sunday 7 July 2013

Munting Tula No. V


Mambulao: Ang bayang kong inaapi!



Ni ALFREDO P HERNANDEZ

NGAYONG nilalamon na ng higanting hukay ang bawat pananim,
At ang kalawang-dagat ay di malapitan ng isdang nabaliw;
Ngayong kinakaltas na ng mga basura ang buhangin sa Parang,
At ginatong na rin ng mga baranggay ang ating bakawan,
Di ba’t oras na upang tayo’y bumangon sa ating bangungot?
Sampalin ang sarili, daklutin ang buhok sa halip na magmukmok?
Tayong taga-rito sa kawawang bayan ni Jose Panganiban
Pakuya-kuyakoy sa nagdurugong sinag ng sumubsob na araw
Tayo ba’y aasa pang sisibol na muli ang mga halaman?
Bubuhos pa kaya ang buntis na ulap sa naglahong linang?
Aagos pa kaya ang kristal na tubig sa ilog at batis
Ngayong nabili na ang ginto at bakal sa ating paligid?

Ngayong binubura na ng mga gahaman ang ating pangarap
At ang yamang-bayan ay inagaw na rin na parang sorbetes
Di ba’t oras na upang bumaba sa ating upuan
Sa ibabaw ng bakod sa gilid ng kalsadang pinagdaraanan
Ng nakaw na yamang dapat ay atin nguni’t di naman …?

Ngayong umiikli na ang daloy ng buhay sa ating orasan,
Tayo’y manalangin sa bawat cuadro ng ating simbahan.
Walang dapat gawin kundi ang magpasiya nang lubos-lubusan

Mga kababayan: Durugin ang pader ng kawalang-pakialam!

 


Port Moresby,
Papua New Guinea
July 8, 2013

1 comment:

  1. Ano ba ang puede ipalit sa pag kakabod na hanapbuhay ng ating mga kababayan na taga Mambulao ng sa gayoy matigil na ang pag dumi sa dagat at dalampasigan?
    Ngayong mababa na ang presyo ng ginto sa mundong merkado, baka sakaling mag hanap sila ng ibang pagkakakitaan.....at ito ang pag kakataon.

    ReplyDelete